Thursday, August 5, 2010

SIYA at IKAW (Kamalayang Malaya:Pag-Ibig edition)

Naaalala ko pa ang araw ng tayo'y masayang nagsasama. Ang araw kung kailan wari'y pinag-isa ang ating puso. Ang araw kung kailan sabay tayong nangako sa isa't isa na habang buhay tayong magsasama. Ang araw kung kailan sabay tayong nangarap para sa ating kinabukasan.

Ngunit dumating ang araw na hindi inaasahan. Hindi ko namalayan lumamig na ang iyong pag-ibig at tuluyang mo na akong iniwan.
Paano na ang ating pangako sa isa't isa? Ito'y biglang naglaho na parang bula sa kawalan.
Paano na ang ating mga pangarap? Lahat gumuho na pawang kastilyong buhangin sa dalampasigan.



Halos nawalan ako ng pag-asa sa buhay ng mga panahong iyon, nalugmok sa kalungkutan ang sugatan kong puso, hirap tumayo sa matinding pagkarapa. Gabi-gabi umiiyak ako tinatanong ang aking sarili kung saan ako nagkulang o nagkamali.
Pagsisisi sa sarili ang tanging nangingibabaw sa akin.

Subalit dumating ang araw na muli kong nakita ang liwanag sa aking madilim na mundong kinagagalawan.
Muling nakabangon sa matinding pagkarapa.
Muling bumalik ang matamis na ngiti sa aking mga labi.
Iyon ang araw kung kailan ko nakilala ang lalakeng aking minamahal ngayon.
Ang lalakeng nagbigay lakas sa aking mahinang kalooban. Ang lalakeng tinaggap ang aking kahinaan at kamalian. Ang lalakeng kung saan nakaramdam ako ng kasiguruhan sa buhay at wagas na pagmamahal.

Nang dahil sa kanya ako'y nangarap muli at nagkaron ng pag-asa.
Nang dahil sa kanya muli kong naramdaman ang pagbilis ng tibok ng aking puso tuwing sumasagi siya sa aking isipan.
Nang dahil sa kanya ang isang masamang panahon ay wari'y isang magandang umaga pagkatapos ng unos na dumaan sa ating buhay.
Nang dahil sa kanya ang sugatan kong puso ay biglang naghilom dahil sa sayang idinulot niya sa aking buhay.



Ang hiling ko lang sa Maykapal na sana siya na ang lalakeng makakasama ko habang buhay.
Sana siya na ang lalakeng kasabay kong bumuo sa mga naguhong pangarap.
Sana siya na rin ang lalakeng hindi ako iiwan kahit ano man ang mangyari.
Sana siya na ang lalakeng huling makakasaksi sa huling pagpikit ng aking mga mata at aking makakasama hanggang sa aking huling hininga.

Kaya para sa unang lalakeng aking minahal:
Una sa lahat, "Salamat" sa iyo. Tanggap ko na ang mga nangyari. Tanggap ko na na hindi mo na ako mahal at ika'y lumisan.
Salamat dahil sa iyong paglisan ay nakilala ko naman ang lalakeng tunay na nagmamahal sa akin ngayon. Saan ka man naroroon hanggad ko ang iyong tunay na kaligayan. Hindi mo man natupad ang iyong ipinangako sa akin mayroon naman taong tutupad nito ngayon at nagmamahal sa akin ng higit sa aking inaasahan.

Nawala man ang unang lalake sa aking buhay na minahal ko ng mahabang panahon ay binigyan naman ako ng MAY KAPAL na higit pa sa aking hinihiling at ako'y minamahal ng wagas na walang hinihiling na kapalit.

===================================
P.s. Ito po ay aking entry sa pasiklaban ni G.JKULISAP. At gaya ng nakaraang pasiklaban niya dumugo ulit ang utak ko ng bonggang bongga lols~~
Pwedeng mahiya ng bonggang bongga ang adik ng poste ko shakssss(covering my fugly face lols)